Saturday, February 20, 2010

Tragic Theater: Base sa aking nabasa!

Pebrero 19, 2010 - nabored ako sa loob ng bahay. Puro internet na lang inatupag ko at naumay sa kasasulat ng mga artikulo ukol sa mga kompyuter. Napagpasyahan kong pumunta sa SM DasmariƱas (isang jeep lang dito sa bahay) para bumili ng external keyboard dahil hindi na gumagana ang ibang tiklado ng laptop ko.

Oo nga naman! Paano ba naman ako makakapagtype kong sira ang keyboard? Isa pa, nagtext ang klasmeyt ko sa Peryodismo na may trabaho na ibibigay sa National Press Club o NPC si Mang Fred. Kailangan daw nila ng student writer. Sa una, hindi ako naniniwala kasi ang alam ko pupunta talaga kami doon para magcanvass sa printing. Sayang lang sa pamasahe. Hello? sa Cavite kaya ako nakatira.

Nakakairita din kasi magtext 'tong klasmeyt ko, akala mo kung sinong boss. Eh! wala naman siyang sinesweldo sa akin. Duh!

Ewan ko ba. Iniwasan ko na lang na magalit.

Kaya pumunta na lang ako ng SM at bumili ng Keyboard na pwedeng isaksak sa USB port ng laptop ko. Pagkatapos, tinopak akong pumunta sa National Bookstore.

Halos natuwa ako sa dami ng mga libro. Inuna ko munang suyurin ang mga English Classic Novels hanggang sa makita ko ang itim na libro. May mga silya na pawang makikita sa mga teatro.

Hindi ko pwedeng tanggalin sa plastik na nakasupot sa kabuuan ng libro. Tanging harap at likod lamang ang pwedeng pagkuhaan ng inisyal na kaalaman sa istorya.

Nobela siya tungkol sa isang babae na sinapian ng demonyo habang pinapaalis ang mga espiritu sa Manila Film Center.

Natuwa ako sa teaser ng nobela sa likod. Mahilig din kasi akong magbasa ng mga kwentong kababalaghan. Naalala ko dati ang pagkaadik ko sa mga Philippine Ghost Stories noon.

Dali-dali kong binili ang libro sa halagang dalawang daan piso. Hindi ko na pinasupot sa kahera at kinuha ko na lang ang resibo. Katunayan na sakaling tanungin ako kung binili ko ba iyon o hindi.

Pagsakay ko pa lang sa jeep. Pinunit ko na kaagad ang plastik at binuklat ang libro. Para akong batang niregaluhan. Binasa ko kaagad ang Prologue.

Ikinwento ng sumulat ang tungkol sa nakakapanlumong pangyayari sa Manila Film Center habang pinapatayo ito noon 1981. Bumigay ang ilan pundasyon nito dahilan upang malibing ng buhay ang ilang trabahador nito.

Pinaniniwalaan na halos libong tao ang namatay sa building na iyon. Sinisisi pa si Imelda Marcos dahil sa inutos nito dahil gahol na sa oras.

Pagbasa ko pa lang ng prologue, nakakaexcite na!

Pagdating ko sa bahay. Tinuloy ko ang pagbabasa. Babae nga ang bida, ang pangalan niya ay Annie. Siya ang sasaniban ng demonyo. Naikwento din ang nakakalungkot na nangyari sa kanyang namatay na kaibigan na ni-rape. Pati siya ni-rape din.

Pebrero 20, 2010 - Pagkagising ko. Hindi ko naman kaagad binasa ang libro. Nagsulat muna ako ng articles sa writing assignment ko. Sa kaumayan, nagpasya na akong basahin ang nobela.

Para na naman akong nanonood ng horror movie habang binabasa ang bawat pangungusap sa kwento. May mga dasal na kung titignan ay parang nagnonobena ka sa St. Jude o Baclaran.

Nasa wikang Inggles pala ang lenggwaheng ginamit.

Paganda ng paganda ang bawat eksena. Sinapian kasi siya dahil pumiglas siya sa pagkakahawak sa dalawang kasama nila na mga Spirit Questors. Tumatawag kasi ang boss niya sa Department of Tourism para alamin ang nangyari sa pagpapaalis ng mga ligaw na espiritu sa nasabing lugar.

Ayon sa pagkakaintindi ko sa kabuuan ng kwento, ang demonyo ay sumasanib at pinapakita sa atin ang mga pangit, poot at nakakalungkot na mga pangyayari. Dito niya pinaparamdam na walang Diyos na tumutulong sa atin.

Kaya ang masasabi ko lang, lagi natin pagtibayin ang ating pananampalataya sa Diyos. Tignan natin ang kabutihan sa ating buhay at huwag ang mga masasamang pangyayari. Doon kasi nagsisimulang manahan ang kasamaan.

P.S.

Naunawan ko na ang ibig sabihin ng pagpapatawad at pagmamahal kahit papano sa nobelang Tragic Theater ni G.M. Coronel.